-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Act ang isang lalaki na nahuli sa inilunsad na entrapment operation sa parking lot ng Victoria Plaza, Bajada, lungsod ng Davao.

Nakilala ang nahuli na isang Mark Lester Bringgas, tubong bayan ng Kapalong, Davao del Norte.

Nahuli ang suspek dahil sa natanggap na sumbong ng National Bureau of Investigation (NBI) patungkol sa pagtitinda ng suspek ng mga huling maliliit na mga buwaya at mga itlog ng nasabing hayop.

Na-recover sa posisyon ng suspek ang limang mga maliliit na mga buwaya, kung saan isa rito ay isang fresh water crocodile habang apat naman ay natukoy na salt water crocodile na parehas nang critically endangered.

Apat na mga itlog ng nasabing mga buwaya ang nabawi mula sa suspek.

Inamin ng suspek na P15,000 ang presyo ng bawat isa sa kanyang tindang buwaya.

Depensa naman ni Bringgas, mula umano sa kanyang kaibigan ang nasabing mga buwaya at napag-utusan lamang daw siyang ipagbili ang mga ito sa lungsod ng Davao.

Umabot sa kabuoang P93,000 ang mga buwaya at mga itlog nito na nabawi mula kay Bringgas.

Dinala na sa crocodile farm sa Maa, Davao City ang mga nabawing buwaya.

Kung mapatunayang nagkasala makulong sa dalawa hanggang apat na taon ang suspek.