-- Advertisements --

Ipinamalas ng Philippine Army (PA) ang kanilang light tanks at artillery assets sa live-fire exercise na layong masubok ang kahandaan ng mga tropa sa pagtugon sakaling magka-giyera.

Sa isang statement, sinabi ng PA na ang naturang pagsasanay ang highlight ng Combined Arms Training Exercise (CATEX) “Katihan” Battle Phase 2 na isinagawa sa Combat Readiness Training Area (CRTA) sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija at Crow Valley Gunnery Range sa Capas, Tarlac nitong Biyernes, Marso 7.

Kabilang sa mga ginamit na defense assets ng ating bansa ay ang ATMOS2000 self-propelled (155mm) howitzers ng Army Artillery Regiment, Armor Division assets gaya ng Sabrah light tanks at ang mga bagong biling mortars.

Isinagawa naman ang live-fire exercise sa expansive lahar fields sa Crow Valley Gunnery Range.

Samantala, nagsanay naman ang infantry units at iba pang Army specialized enablers sa iba’t ibang warfighting functions.

Nasa 6,000 Army personnel ang kalahok sa naturang pagsasanay na tatakbo mula noong Marso 3 hanggang Marso 22.

Sa isang pahayag naman, sinabi ni Army chief Lt. Gen. Roy Galido na mahalaga ang pagsasanay sa kanilang organisasyon dahil sa pamamagitan ng training ay kanilang masusubok at mapapahusay pa ang kanilang kapasidad para magampanan ang kanilang misyon.