Nagsasagawa ng sariling imbestigasyon ang Philippine Army hinggil sa umano’y Army reservist na miyembro ng Angels of death.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo kanina, sinabi ni PA spokesperson Col. Louie Dema-ala na sa kanilang sariling internal investigation, wala pa silang natuklasang reservist na sangkot sa umano’y armadong grupo ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.
Pagtitiyak ni Dema-ala, sa oras na malaman nilang may sangkot na army sa naturang kaso ay hindi sila magdadalawang isip na patawan ito ng parusa.
Una nang iniulat na kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may nasa mahigit 500 army reservist na miyembro ng KOJC.
Ayon kay Col. Rey Balido, Deputy Chief, Public Affairs Office ng Philippine Army, 2015 pa accredited sa PA reservist ang media network ni Quiboloy na tinatawag na 2nd signal battalion Philippine Army reserve unit.
Samantala, matatandaan na pinabulaanan ng kampo ni Quiboloy ang alegasyon hinggil sa Angel of death, ayon sa legal counsel nito na si Atty. Israelito Torreon, walang private army ang pastor at tanging private prayer warriors lang.