GENERAL SANTOS CITY – Nagsidatingan na sa mga oras na ito ang mga bisita para sa ika-42nd birthday celebration ni Senator Manny Pacquiao nitong gabi.
Nabatid na limitado lamang umano sa 150 katao ang inimbitahan ng mambabatas na kinabibilangan lamang ng kaanak, ilang politiko at mga malapit na kaibigan nito.
Isang simpleng salu-salo ang inihanda ng pamilya Pacquiao na isinagawa sa basketball court sa kanyang mansion sa Barangay City Heights nitong lungsod.
Maliban sa coupon na nagsilbing ticket sa pagpasok ng mga bisita ay istrikto ring ipinapatupad ang minimum health protocols sa loob ng bahay nito.
Hindi naman nabanggit ng kampo ni Pacquiao kung magpapa-raffle ito sa huling bahagi ng kanyang birthday celebration.
Hindi lingid sa lahat na tuwing birthday ni Sen. Pacquiao ay namimigay ito ng maagang aginaldo sa mga dumalo sa kanyang kaarawan kagaya ng kotse, mga motorsiklo, appliances at limpak limpak na cash.
Una rito, kaninang umaga ng namigay si Sen. Pacquiao ng bigas at cash sa mga residente ng ilang barangay dito sa GenSan.
Samantala, nasentro sa pagiging mabuting mister at pagkakaroon rin ng mabuting puso ang birthday message ni Jinkee Pacquiao para kay Manny.
Ayon kay Jinkee sa isang FB post nito sa kanyang account na sanay bibigyan pa si Manny ng maraming blessing sa buhay.
‘Happy happy birthday, Man of God, my babe! I’m a blessed wife because i have a husband with a rich and golden heart. 🙏♥️ May God bless you more with His boundless love, calming peace, wisdom, knowledge, and heavenly joy. We love you so much! ♥️🙏, ang naging mensahe ni Jinkee Pacquiao para sa kaarawan ni Sen. Pacquiao.