Diskarte lamang umano ni Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao ang ginawa nitong pagkuha sa pulso ng masa para i-pressure si Floyd Mayweather Jr. na bumalik sa ibabaw ng ring.
Una rito, sa pamamagitan ng social media ay nagpa-survey si Pacquiao sa kanyang mga fans kung sino ang nais nilang sunod na makatunggali ng Fighting Senator sa ibabaw ng lona.
Sa inilutang na apat na mga pangalan ay nangibabaw ang kay Mayweather bilang dapat na makatunggali ni Pacquiao sa susunod.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng batikang boxing expert na si Atty. Ed Tolentino, ang kagustuhan ng eight-division world champion na makasagupang muli si Mayweather ang pangunahing rason kaya pumirma ito ng kontrata kay Al Haymon ng Premier Boxing Champions (PBC).
Hindi na rin daw bago ang ginagawang pakulo ng dalawang kampeon gaya ng biglaang pagkikita sa ilang mga okasyon, dahil natunghayan na rin daw ito bago ang una nilang pagtutuos noong 2015.
Paniwala ni Tolentino, paraan lamang daw ito upang alamin ang magiging reaksyon ng mga tao sakaling maisakatuparan ang pinakainaabangang rematch sa pagitan ng dalawang premyadong boksingero.
“Actually hindi na nga kailangan ‘yung survey na ‘yun dahil alam na natin from the very start na Pacquiao-Mayweather ang gusto ng tao sapagkat maraming nabitin sa labang iyon, at ‘yung laban na ‘yun ay parehong maestro,†wika ni Tolentino.