-- Advertisements --

Pinagpapanagot ngayon ng Korte Suprema ang isang paaralan dahil sa insidente ng bullying bunsod ng kapabayaan na humantong pa sa pananakit ng isang estudyante noong taong 2007.

Sa isinapublikong pahayag ng kataas-taasang hukuman, nadisukubreng hindi natugunan ng Mother Goose School ang naganap na panununtok kung saa’y sangkot ang estudyante na nasa ikatlong baitang.

Ito ay base sa kung anong nakasaad sa desisyong isinulat ni Associate Justice Mario V. Lopez sa Second Division ng Korte Suprema.

Kung saan lumalabas na makailang ulit na panununtok ang naganap sa isang computer class ng dalawang estudyante sa kanilang kaklase habang nasa comfort room ang guro.

Sinasabing walang nagging tiyak at hustong aksyon na ginawa sa kabila ng ginawang pagsusumbong ng biktima sa kanyang guro.

Maging ang paaralan ay napatunayang hindi umano pinansin ang reklamo ng mga magulang ng biktimang estudyante na humiling na maimbestigahan ang insidente.

Na sa huli ay napagpasyahan ng paaralan na ang insidente ay “panunukso” o “rough play” kaya walang ginawang disciplinary action.

Kaya naman naghain at nagsumite ng reklamo ang mga magulang ng naturang biktima sa pinsalang natamo laban sa paaralan, sa mga guro at maging na rin sa mga ama ng iba pang estudyante.

Dahil dito, ang Regional Trial Court (RTC) ay naglabas ng kanilang desisyon na nagsasabing may pananagutan ang paaralan at ang nakatokang titser sapagkat anila’y tungkulin ng mga ito na seguraduhin ang kaligtasan ng bawat mag-aaral.

Pinagtibay ang desisyong ito ng Regional Trial Court hindi lamang ng Court of Appeals kundi pati na rin ng Korte Suprema.

Dagdag pa rito, ang katastaasang hukuman ay inatasan ang naturang paaralan na magbayad ng danyos sa mga magulang ng biktima na nagkakahalagang P650,000.