LEGAZPI CITY- Nabulabog ang isang paaralan sa bayan ng Placer sa Masbate matapos ang panibagong engkwentro ng mga sundalo at New people’s Army (NPA) sa Brgy. Locso-an.
Una rito, rumesponde ang mga sundalo sa report na may mga NPA sa lugar na nagpapaskil ng papel kaugnay ng selebrasyon ng anibersaryo ng kanilang grupo.
Pagdating sa lugar, sinalubong ang mga sundalo ng limang magkakasunod na pagsabog mula sa improvised explosive device (IED) ng mga rebelde.
Dahil sa takot nagtakbuhan ang mga estudyante at guro sa loob ng mga klasrum saka dumapa at yumuko upang hindi madamay sa engkwentro.
Nasugatan sa insidente ang dalawang sundalo na kinilalang sina PFC Mardie Lumapag at PVT Angelito Tabanao.
Samantala kinondena naman ni DepEd Bicol Director Gilbert Sadsad ang mga ginagawang pag-atake ng NPA malapit sa mga paaralan.
Dahil sa insidente ipinag-utos na rin nito ang pansamantalang pagkansela sa face-to-face class at online o modular scheme na muna habang hindi pa humuhupa ang tensyon.
Maaalalang ngayong Lunes lang din ng mabulabog ang Villahermosa National High School sa bayan naman ng Cawayan matapos na magka-engkwentro ang mga NPA at sundalo kung saan isa sa mga tropa ng gobyerno ang namatay.