LAOAG CITY – Pabor umano ang ilang mga Pilipino sa impeachment ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos matapos ang ‘yes votes” ng House of Representative sa isyung abuse of power.
Sa nakalap na impormasyon ni Bombo International Correspondent Manny Pascua sa Hawaii, pabor daw ang ilang OFW na ma-impeach si Trump dahil sa bagong Immigratrion Policy ng kanilang bansa.
Paliwanag ni Pascua na ang immigration policy ay inapektuhan ang karamihan sa mga Pilipino tungkol sa pagpetisyon ng kanilang mga magulang na nandito sa Pilipinas.
Kagaya na lang sa isang Ilokano na nasa Maui, Hawaii at tubong Bacarra, Ilocos Norte ay nag-aalangan na ipetisyon ang kanyang mga magulang dahil posibleng mahirap itong maiproseso.
Sinabi ni Pascua na inihayag ni Trump noon ang paghihigpit sa proseso ang mga taga ibang bansa lalo na ang mga matatanda na pumunta o manirahan sa US sa pamamagitan ng petisyon dahil pabigat lamang sila sa kanilang gobyerno.
Ayon kay Pascua, mahirap na makahanap ng trabaho ang mga matatanda at mag-aaply pa sila ng free medical na gagastusin pa ng gobyerno ng Estados Unidos.
Ngunit naniniwala ang mga Pilipino na mahirap pa ring makalusot ang impeachment ni Trump sa senado dahil karamihan sa mga senador ay kaalyado ng presidente.
Dagdag ni Pascua na base sa report o survey ay marami ring mga nakatira sa US ang sumusuporta kay Trump dahil sa paglago ng trabaho at pagbaba ng unemployment rate ng naturang bansa na nakatulong sa mga ito.