-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nadagdagan pa ang pabuya para sa pagkakaaresto sa mga suspek sa brutal na pagpatay sa kapatid at pamangkin ng bise alkalde ng Moises Padilla, Negros Occidental habang nangangampanya.

Ito’y matapos mag-alok ang local political party na Love Negros ng karagdagang P1 milyon para sa sino mang makapagbigay ng impormasyon upang mahuli ang mga pumatay kina Councilor Jose Antonio “Michael” Garcia at tiyuhin na sa dating Association of Barangay Captain (ABC) president Jose Marcelino “Mark” Garcia.

Ayon sa lider ng partidong si Third District Rep. Alfredo Benitez, sobra-sobra na ang serye ng pamamaslang sa Moises Padilla at panahon na upang isailalim ito sa Commission on Elections (Comelec) control dahil politically-motivated ang pagpatay sa mga Garcia.

Sa pamamagitan aniya ng deklarasyon ng Comelec control, maiiwasan daw ang paglala ng sitwasyon.

Nabatid na matapos ang ambush noong Huwebes ng tanghali, kaagad na nag-alok ng P1 milyong pabuya si Governor Alfredo Marañon Jr. para sa ikakadakip ng mga suspek.

Kahapon, 29 indibidwal ang sinampahan ng double murder at attempted murder kaugnay sa pag-ambush sa convoy ni Vice Mayor Ella Celestina Garcia-Yulo sa Barangay Inolingan, habang pinalaya naman si Councilor Agustin “Nene” Grande na una nang itinurong suspek dahil sa mahinang ebidensiya.