LEGAZPI CITY – Tinawanan na lamang ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Dante Jimenez ang pagkakasama ng pangalan nito sa listahan ng mga opisyal ng Pilipinas na ipagbabawal na makapasok sa Estados Unidos.
Ito ay kaugnay sa pagpapakulong kay Sen. Leila de Lima dahil sa umano’y pagkakasangkot sa kalakaran ng iligal na droga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi sa opisyal, tinawag nitong malaking kalokohan at judicial harassment ang hakbang ng US legislators.
Aniya, pinatotohanan na ng mga testimonya ng mga dating kasamahan ni De Lima ang pagkakasangkot nito sa iligal na droga at dumaan sa legal na proseso ang pagsasampa ng kaso sa mambabatas.
Kinuwestyon din ni Jimenez ang pagkakasama sa naturang listahan, gayong taong Enero 2018 lamang siya nagsimulang manilbihan sa pamahalaan bilang PACC chairman.
Samantala, muling iginiit ng opisyal na hindi si De Lima ang biktima kundi silang mga opisyal ng pamahalaan na ginagawa lamang ang trabaho bilang mga tagapag patupad ng batas.