LEGAZPI CITY – Nilinaw ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na walang masama kung sumailalim man sa lifestyle check ang isang mataas na opisyal ng pamahalaan lalo na kung Cabinet member.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PACC chairman Dante Jimenez, mahalaga lamang na maintindihan ng mga ito na dapat na magsabi ng katotohanan lalo na kung walang itinatagong yaman na maipapakita rin sa Statement of Assets, Liaibities and Net Worth (SALN).
Paliwanag pa ng opisyal na may poder ang PACC na isailalim sa lifestyle check ang mga opisyal na nasa sangay ng ehekutibo, mula sa mga kasapi ng gabinete pababa.
Sa tala ng komisyon, nasa 200 na opisyal ngayon ang isinasailalim sa imbestigasyon na inaasahang madaragdagan pa dahil sa dami nang dumarating na reklamo sa bawat araw.
Anuman ang maging resulta ng imbestigasyon, bibigyan ng kaukulang rekomendasyon at isusumite sa Office of the President.