-- Advertisements --
vacc
PACC Dante Jimenez

LEGAZPI CITY – Nilinaw ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Dante Jimenez ang isyu ng pag-uugnay sa Department of Health (DOH) bilang pinakatiwaling ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay Jimenez sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi na hindi ang mismong ahensya ang direktang tinutukoy ng mga alegasyon kundi ang inirereklamong serbisyo na nakatutok sa “health, housing at highways”.

Subalit hindi umano ito nangangahulugan na tambak na ang katiwalian sa nasabing ahensya.

Aminado naman ang opisyal na karamihan sa mga reklamo ang para sa mga opisyal sa lokal na pamahalaan na isusumite sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Kahit responsibilidad ng DOH ang nasabing serbisyo, sanga-sangang departamento pa rin sa ilalim nito ang gumagalaw hanggang sa barangay health stations at ospital.

Pumangalawa umano sa karaniwang inirereklamo ang proyekto sa pabahay lalo na sa housing project sa mga naapektuhan ng Bagyong Yolanda kung saan sa 2,500 units na target na may aabot sa P800 million na pondo, 36 lang ang naipatayo subalit umabot sa P200 million ang gastos.

Hindi na rin aniya dapat na ikabigla ang pagkasabit sa katiwalian ng proyekto sa public works and highways at collection ng revenues.