-- Advertisements --

Naninindigan si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Greco Belgica na hindi sila kaaway ng mga ahensya ng gobyerno bagkus sila ay kakampi ng mga ito.

Ayon kay Belgica, walang intensyon ang PACC na maging kaaway ng mga government agencies dahil nais nito na magkaisa ang lahat upang gapiin ang korapsyon sa bansa.

Ginawa ng opisyal ang pahayag na ito sa isinagawang signing ng reaffirmation of integrity at pledge of cooperation, gayundin ang oath of honesty kasama ang Department of Transportation (DOTr).

Inaasahan aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkukusa ang bawat ahensya ng gobyerno na linisin ang sarili nilang mga bakuran.

Kung sakali namang mabigo ang mga ito sa nais ipagawa ng Presidente ay nagbabala si Belgica na PACC ang gagawa ng kanilang trabaho.

Nagbanta rin ito sa lahat ng public servants na sa oras na mahuli ang mga ito na sangkot sa anumang iligal na aktibidad ay hindi na sila pagbibigyan pa ng ikalawang pagkakataon.

“We know that many government agencies have been the centers of controversies and alam natin ang alam natin, wag na po tayong maglokohan,” patutsada ni Belgica.

Nakahanda raw ang ahensya na gawin ang lahat ng makakaya nito para siguruhin na walang sinuman ang makakatakas sa kanilang pagbabantay.

Ipinaliwanag din ni Belgica na ang pagpasok sa partnership kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay magbibigay pahintulot sa kanila na magtayo ng command centers na magsisilbing focal office sa monitoring, reporting, at resolusyon ng mga corruption cases.

Sa pamamagitan nito ay makakatulong umano ang PACC sa pangangasiwa ng napakaraming bilang ng corruption complaints mula sa publiko.

Ilan sa mga ahensya na may pinakamataas na corruption-related complaints ay ang Bureau of Customs (BOC), Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Department of Health (DOH).