LEGAZPI CITY – Umapela ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na ikonsidera ang katiwalian bilang heinous crime.
Naniniwala si Belgica na dapat na ipatupad sa nasabing krimen ang death penalty o parusang kamatayan na matagal na ring isinusulong.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Belgica, inihambing nito ang katiwalian sa iligal na droga na sumisira sa bansa.
Sino mang pulitiko o government worker umano na sangkot dito ang pumapatay sa henerasyon habang kung mas mataas pa ang posisyon, mas malaking nasasakupan rin ang mahihirapan.
Sinagot pa ni Belgica ang mga nagsasabing hindi deterrent ang death penalty sa kriminalidad dahil ang isang tao umanong batid na mahuhuli, titigilan na ang paggawa ng maling gawi.
Aminado si Belgica na posibleng hindi ma-‘zero in’ ang krimen subalit malaking pagbawas umano sa katiwalian ang magiging mabuting resulta nito.