LEGAZPI CITY – Idinipensa ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Manuelito Luna ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa gitna ng ibinabatong isyu laban dito.
Kinu-kwestyon kasi ang AMLC, kung papaanong nakalusot ang money laundering scheme ng ilang Chinese nationals na isinasangkot sa “Pastillas modus” simula Setyembre 2019 hanggang Pebrero 2020.
Ang naturang modus ang nagbibigay kalayaan na makapagtrabaho ang naturang mga dayuhan sa mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) kahit pa tourist visa ang hawak kung saan nasasangkot sa iba’t ibang uri ng krimen.
Ayon kay Luna sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, “discreet” o patago ang pagtatrabaho ng AMLC lalo pa at hindi ito ginagawa para sa propaganda.
Siniguro pa ni Luna na kumikilos ang ahensya katuwang ang PACC sa proseso ng information gathering.
Direkta pang sinabi ng opisyal na magiging “unfair” para sa AMLC kung sasabihing walang ginagawa.