LEGAZPI CITY- Pinabulaanan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang mga akusasyon na posibleng pang-iipit sa mga miyembro ng oposisyon ang mga imbestigasyon.
Ito ay matapos ang pag-imbita kay Vice President Leni Robredo sa pagsisiyasat upang magpaliwanag ukol sa mga proyektong hinawakan nito sa Bicol noong kongresista pa lamang.
►VP Leni, ipapatawag ng PACC sa imbestigasyon sa ilang kinukwestiyong proyekto sa Bicol na hinawakan bilang mambabatas
Aminado si PACC Commissioner Manuelito Luna na hindi maiwasan ang mga ganitong espekulasyon subalit iginiit na matagal nang kinukwestiyon ang mga naturang proyekto.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Luna, nabatid na may isang militanteng grupo na rin noon ang nagpaabot ng report ukol sa umano’y hindi ligtas at mahinang pundasyon ng itinayong Fish Port, Ice Plant at Cold Storage sa Camarines Sur.
Pinangangambahan rin na gumamit ng substandard materials sa pagtatayo ng mga ito kahit pa higit P100 million ang ginastos.
Depensa pa ni Luna sa pagsisiyasat na nararapat lamang at saklaw ng komisyon ang pag-alam sa detalye sa mga ganitong uri ng isyu upang mabigyan rin ng karampatang aksyon kagaya ng ibang government agencies.
Nilalayon rin umano nitong maconsolidate ang una nang investigation report at rekomendasyon na isinumite ng Office of the Presidential Assistant on Bicol Affairs (OPABA) sa pamumuno ni Usec. Marvel Clavecilla.