Ipinagmalaki ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na kanilang naaksyunan ang tinatayang nasa 4,000 ang natanggap na reklamong may kinalaman sa Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Anti-Corruption Commissioner Greco Belgica na may kabuuang 3,992 na report na natanggap ang komisyon hinggil sa cash aid program.
Paglalahad ni Belgica, 90% aniya rito ay na-endorse na raw sa kaukulang ahensya.
“Kapag pumasok ang complaints sa amin, papasok agad ‘yan sa technical evaluation, and then titingnan ang jurisdiction, kung may ebidensya, titingnan ang form and substance. Kung mayroon ay papasok na sa investigation and then ang makikitang resulta, papasok sa adjudication, and then i-present naman sa en banc and then they will vote what to recommend to the president,” wika ni Belgica.
Samantala, muling inilutang ni Belgica ang dati nang isinusulong ng PACC na ituring bilang “heinous crime” ang kurapsyon at dapat daw ay may parusang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection.
Sa ngayon, patuloy na ipinamamahagi sa mga benepisyaryo ang ikalawang tranche na ng social amelioration program sa pamamagitan ng electronic payment.