-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Umalma ang pamunuan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) matapos na lumabas sa isang pag-aaral na lumala ang lagay ng katiwalian sa Pilipinas.

Batay sa Corruption Perceptions Index (CPI) 2019, naka-tie ng Pilipinas ang El Salvador, Kazakhstan, Nepal, Eswatini at Zambia sa ika-113 pwesto mula sa 180 bansa, mas mababa sa 99th ranking noong 2018.

Giit ni PACC chairman Dante Jimenez sa eksklubong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, iba ang corruption perception index sa reyalidad ng katiwalian.

Depensa nito na karamihan sa mga kababayan ay ramdam na ang pagbabago hindi lamang sa national governance kundi sa local.

Malaking ambag aniya ang ipinatupad na Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, Anti-Red Tape Law at Freedom of Information.

Sa kabila nito, aminado rin si Jimenez na nananaig pa sa ilang tanggapan kagaya ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang katiwalian.

Inaaksyunan na rin aniya ito sa pamamagitan ng mga isinasagawang entrapment operation kasabay ng karampatang kaso.

Samantala, naniniwala si Jimenez na isa sa mga salik sa pagkakaroon ng katiwalian ang “human intervention” sa mga dokumento kaya’t panukala na gawing “computerized” ang lahat ng transaksyon.