LEGAZPI CITY – Ikinadismaya ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang mga panibagong kontrobersiya na nabunyag sa pinakahuling pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa iskandalo sa Bureau of Corrections (BuCor).
Kumbinsido si PACC Comm. Manuelito Luna na seryosong problema na ang nasa New Bilibid Prison (NBP) kaya bukas sa pakikipagtulungan sa imbestigasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Luna, hindi nito ikinatuwa ang pag-exploit sa mga kababaihan sa code name na ‘Tilapia’ na tinutukoy ang mga inilulusot na babae sa pasilidad na kinalauna’y nagiging nobya o asawa ng mga preso.
Dinepensahan naman ni Luna ang inihayag ni Sen. Bong Go na dapat na ‘killer’ na ang susunod na mamuno sa BuCor na nasabi lamang umano dahil sa ‘frustration’ sa mga pangyayari.
Nakita kasi umano ni Go ang sitwasyon ng mga matatanda nang preso na hindi nabibigyang-prayoridad sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Nananatili naman umano ang kumpiyansa ng PACC commissioner sa Bucor Officer in-Charge na si Ret. PBGen. Melvin Ramon Buenafe subalit kakailanganin umano ng tulong upang maisaayos ang pasilidad.