LEGAZPI CITY – Aminado ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na samu’t saring reklamo ang kanilang natatanggap mula sa ilang lalawigan sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon.
Paliwanag ni PACC Commissioner Manuelito Luna sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, napipilitang lumabas ang ilang mga residente upang maghanapbuhay dahil sa kawalan ng sapat na pagkain para sa pamilya.
Nabatid na may ilang barangay umano ang ayaw gamitin ang kanilang local at disaster funds sa gitna ng nararanasang sitwasyon ng bansa dahil sa coronavirus pandemic.
Kaugnay nito, nagbabala si Luna na sasampahan ng kaso ang mga barangay officials na hindi pa rin kumikilos sa ngayon upang tugunan ang pangangailangan ng mga nasasakupan.
Iginiit ng opisyal na pera ng publiko ang naturang pondo kaya walang rason upang hindi ito gastusin para sa mga apektadong residente.
Samantala, idinulog na ng ahensya ang naturang problema sa Department of Interior and Local Government (DILG) at Inter-Agency Task Force for COVID-19.