-- Advertisements --

Naghain ng kasong kriminal ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa tanggapan ng Ombudsman laban sa isang opisyal ng National Electrification Administration (NEA).

Ang hakbang na ito ay alinsunod umano sa Project Kasangga: Tokhang Laban sa Korapsyon bilang pag-agapay ng ahensya sa liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte upang iwaksi ang problema sa korapsyon.

Sa mga nagdaang linggo ay inisa-isa ng PACC ang mga malalaking ahensya na tumulong sa kanilang adhikain at dahil sa kanilang kooperasyon ay nabigyan ito ng pagkakataon na gumawa ng isang masusing imbestigasyon.

Binigyang-diin din ng ahensya na wala itong sinasanto na sinoman.

Ipinagmalaki rin nito na isa sa kanilang natapos na imbestigasyon ay ang anomalya sa opisina ng NEA. Tungkol daw ito sa inag boss na di-umano’y nag-ambag sa kapakanan ng isang party list at kapahamakan ng publiko.

Maliban dito, napag-alaman din ng PACC na lumabag ang nasabing opisyal sa ilang probisyon na nakasaad sa Anti-Graft Law.

Ang NEA ay isang ahensya ng gpobyerno na nilikha alinsunod sa Presidential Decree No. 269 na inatasan para makamit ang 100% electrification ng buong Pilipinas sa pamamagitan ng Electrical Cooperatives (EC). Ang PHILRECA naman ay umbrella organization ng 121 EC sa buong bansa.

Noong 2018, nagsumite ang PHILRECA ng aplikasyon upang magparehistro bilang isang party-list para sa Halalang Pambansa para sa taong 2019. Ang aplikasyon ng PHILRECA ay inaprubahan ng Commission on Election (COMELEC).

Sa magkakaibang petsa, ang mga ECs ay naglabas ng mga board resolution na nag-aambag ng pondo upang makaupo ang PHILRECA party-list sa kongreso.

Ang administrador ng NEA na si Edgardo Masongsong ay hindi raw tumutol sa mga probisyon ng mga nasabing board resolution.

Sa naging pagsisiyasat ng PACC, si Masongsong ay lumabag sa batas kabilang na ang RA 3019 at ang Omnibus Election Code dahil ipinagbabawal ng batas na mag-ambag sa pondo ng kampanya ng isang kandidato ang isang public utility.

Kada linggo, ay magsusumite raw ang ahensya sa Ombudsman ng mga reklamo laban sa matataas na opisyal ng gobyerno na sangkot sa korapsyon.

Nararapat aniyang alalahanin na “public office is a public trust.” Ang posisyon umano na hinahawakan ng mga opisyal na ito ay ipinagkatiwala lamang ng taumbayan.