-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang mga reklamo laban sa sinibak na si Food and Drug Administration (FDA) Chief Nela Charade Puno sa isyu ng katiwalian.

Ayon kay PACC Chairman Dante Jimenez sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, dumadaan sa komisyon ang anumang reklamo na isinasailalim sa beripikasyon at validation habang ang iba ay nasa ratification na.

Matapos ang mga naturang hakbang, saka na irerekomenda kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa kaukulang aksyon.

Tiniyak naman ni Jimenez na bilang isang advocate ng hustisya, dadaan pa rin sa “due process” ang mga reklamo kay Puno.

Dagdag pa nito na kahit sinibak na ito sa puwesto, wala pa ring ligtas sa kaso ang opisyal.

Na-appoint bilang FDA chief si Puno noong Agosto 2016 bilang pinakabatang director general ng tanggapan.

Lusot din ito sa tangka sanang ambush noong Oktubre 2018 sa Lupi, Camarines Sur, na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong pulis na nagsilbing security escort.

Bukod kay Puno, marami pa umanong nakalinyang posible ring sibakin ng Pangulo ayon kay Jimenez subalit tumanggi nang magbigay ng iba pang detalye.