-- Advertisements --

Inatasan na umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na tulungan ang Commission on Elections (COMELEC) sa pagbabantay at pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa vote-buying and selling.

Magugunitang iniulat ng Pnilippine National Police (PNP) na tumataas pa ang bilang ng vote-buying sa buong bansa at marami na silang naaaresto.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PACC Commissioner Greco Belgica, sinabi nitong napakaraming sumbong ang tinatanggap ng kanilang tanggapan kaugnay sa mga bumibili ng boto kaya nakipag-ugnayan na sila sa COMELEC para tulungan sa paghahain ng kaso laban sa mga namimili at nagbebenta rin ng boto.

Ayon kay Commissioner Belgica, kabilang sa kanilang gagawin ay pagtulong sa mga complainants para sa kinakailangang legal requirements sa pagsasampa ng pormal na kaso gaya ng sworn affidavits.

Inihayag ni Belgica na maraming mga video at larawan ng vote-buying sa social media pero marami dito ay hindi naberipika at peke o fake news kaya iniaalok nila ang kanilang tulong sa mga gustong magreklamo.

Kaya hindi raw dapat matakot ang mga gustong magreklamo dahil tutulungan sila ng PACC.