LEGAZPI CITY – Hinihintay lamang umano sa ngayon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang anumang pormal na reklamo na ihahain sa tanggapan sakaling may nais na paimbestigahan ang ilang kapalpakan sa Southeast Asian (SEA) Games 2019.
Ito ay matapos na maranasan ng ilang mga atleta, coaches, international media maging ng iba pang kalahok at bisita sa sporting event ang inconvenience sa ilang hindi pa tapos na mga playing venue, kulang na nutrisyon sa pagkain, magulong billeting maging sa mismong media center.
Inihayag ni PACC Chairman Dante Jimenez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, handang tumalima ang tanggapan sakaling ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsisiyasat.
Tiwala si Jimenez na mabilis na matutukoy kung sino ang responsable sa kapalpakan at lalabas rin kung may nangyaring katiwalian.
Mistulang nagtuturuan naman ang ilang opisyal kung sino ang dapat sisihin sa mga nasabing pangyayari.
Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagsabi na rin na paiimbestigahan niya sa Office of the President ang naturang isyu.
Pakiusap naman ni Jimenez na mas maigi na muna umanong pagtuunan ngayon ng pansin ang laro ng mga sinusuportahang atleta ng Pilipinas.
Umaasa ang PACC official na masungkit na ng Pilipinas ang number 1 spot sa SEA Games ngayong taon.