LEGAZPI CITY – Ipinapasakamay na ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa Office of the Ombudsman at kay Cabinet Secretary Karlo Nograles ang magiging hakbang sa nasa 12 National Housing Authority (NHA) officials.
Kaugnay ito ng maanomalyang mga proyektong pabahay para sa mga biktima ng super typhoon “Yolanda” sa Eastern Samar at Leyte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Commissioner Manuelito Luna, mismong si PACC Chairman Dante Jimenez daw ang nag-inspeksyon sa naturang mga patrabaho sa lalawigan ng Leyte.
Kabilang sa mga nadiskubre sa inspeksyon ang maraming mga proyekto na hindi pa natatapos o nasisimulan, gayundin ang mga ginamit na substandard materials.
Naniniwala ang PACC na nalabag ng naturang mga opisyal ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees; Government Procurement Act; at Anti-Graft and Corruption Practices Act.
Nasa 50% na rin umano ang nakumpleto sa pinapatrabaho ng iba’t ibang contractor.
Nilinaw naman ng opisyal na bumibilis na ang patrabaho sa political will at aksyon ng mga nakakasakop sa proyekto.