LEGAZPI CITY – Umapela ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na bigyan din ng kaparehong atensyon ang isyu ng katiwalian sa iba pang ahensya ng pamahalaan sa gitna ng mainit na usapin sa Kongreso ng “Good Conduct Time Allowance (GCTA) for Sale” sa Bureau of Corrections (BuCor).
Pahayag ni PACC Chairman Dante Jimenez sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, matagal nang ipinaabot ang isyu sa Office of the Ombudsman na mistulang pinaglalaruan ng mga nasa ibaba ang nagpapatupad ng kautusan at regulasyon sa nasabing ahensya.
Tambak din aniya ang reklamo sa top level ng ibang pang government agencies kagaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).
Bagama’t pinuri ni Jimenez ang pagsuspinde ng Ombudsman sa 27 opisyal at empleyado ng BuCor, subalit hindi umano dapat na maging “selective” sa pag-aksyon sa iba pang nakabinbin na reklamo.
Muling iginiit ni Jimenez ang sinasabing pagpapasimula ng “cultural revolution” mula sa mga paaralan, komunidad at tanggapan ng pamahalaan, upang matuldukan ang talamak na problema sa katiwalian.