Kinailangan pa ng Indiana Pacers ng overtime period upang tuluyang madispatsa ang NBA defending champion na Toronto Raptors, 120-115.
Kapwa pinangunahan nina T.J. Warren at Myles Turner ang Pacers na kumamada ng 24 points.
Nagpakawala naman si Aaron Holiday ng limang three-pointers kung saan dalawa rito ay kanyang binitawan sa krusyal na yugto para tulungan ang Pacers na tuldukan ang five-game win streak ng Toronto.
Ibinigay ng ikaapat na 3-pointer ni Holiday ang 116-113 lead sa natitirang 2:05 sa overtime, habang ang kanya namang huli ang nagkaloob ng 119-115 bentahe sa huling 54 segundo.
Nagtakda ng franchise record ang Pacers na may 42 pagtatangka mula sa downtown, at naduplika ang season high sa kanilang 18.
Samantalang ang Raptors ay mistulang inalat dahil sa nagmintis ang 17 sa kanilang unang 19 pagpapakawala sa 3-point range.
Ang defending champions ay binalikat ni Kyle Lowry na bumuslo ng 30 points.
“We gutted it out, we played our butts off and gave ourselves a chance to win at the end,” wika ni Lowry sa Raptors. “Unfortunately, we came up short.”
Sunod na makakasagupa ng Raptors ang Boston sa Huwebes, samantalang nasa Miami naman ang Pacers sa Sabado.