Gigil din umano si Sen. Manny Pacquiao na makaharap ang bagong kalaban na Cuban boxer na si Yordenis Ugas bilang kapalit ni Errol Spence Jr.
Ayon kay Pacquiao, nais niyang maagaw ang korona na hawak ni Ugas dahil ito naman ang dati niyang korona na nasungkit niya kay Keith Thurman noong 2019.
“Ito ‘yong nagkuha ng belt ko na binigay ng WBA na hindi naman kami naglaban. So this is a good thing kung sinong… saan dapat nararapat ang belt na WBA,” ani Pacquiao.
Ang 35-anyos na si Ugas, ay hawak ang “super” version ng WBA welterweight title at ngayon ay nasa main event na siya.
Orihinal sana niyang ididepensa ang korona laban kay Fabian Maidana sa isang undercard.
Sinabi ni Pacman hindi niya minamaliit si Ugas dahil praktisado rin ito at nakapaghanda ng husto.
Pasa sa fighting senator mistulang “coincidence” o “blessing in disguise” pa rin ang laban niya kay Ugas.