Nananatili umanong agresibo sa nalalapit na laban si 8-division world boxing champion Sen. Manny Pacquiao, kahit naudlot ang laban kay American undefeated boxer Errol Spence at ipinalit si Yordines Ugas.
Ayon sa isa sa tagaluto ng team Pacquiao na si Cliff Ramat Manzano sa panayam ng Bombo Radyo, hindi nagbago ang gilas ng fighting senator.
Kaya naman kailangan nila itong bigyan ng masusustansyang pagkain para lamang mapanatili ang mataas na level ng lakas at sigla nito.
Kabilang sa paboritong pagkain ng fighting senator ang tinola, calderetang kambing, isda at monggo.
“Okay lang yun, kahit marami syang kainin, mabilis naman ma-burn ang calories sa katawan ni senator, dahil sa grabeng ensayo,” wika ni Manzano.
Samantala, nagpatupad na rin ng paghihigpit sa training camp ng team Pacquiao.
Ang dating public workout, sa compound na lang umano ito ginagawa ng Pinoy ring icon.
Mataas pa rin kasi ang naitatalang COVID cases sa ilang bahagi ng Estados Unidos.
Magaganap ang labanang Pacquiao vs Ugas sa darating na Agosto 22, 2021.