GENERAL SANTOS CITY – Handa ang Pacman team kung sakaling matuloy ang Pacquiao-Benn fight. Ito ang naging pahayag ng coach ni 8 Division boxing champion Manny Pacquiao na si Buboy Fernandez kaugnay ng balitang babalik si Pacman sa kanyang professional boxing career para harapin ang American at undefeated boxer na si Conor Benn.
Nilinaw naman ni Coach Buboy na hindi niya pangungunahan ang desisyon ng pambansang kamao at manager na si Jinky Pacquiao.
Sa ngayon anya nakatutok sila sa training ni pacman para sa kanyang nalalapit na exhibition fight kontra kay mixed-martial artist na si Buakhaw Banchamek.
Sa kasalukuyan kasi, may pinaplantsa sila na posibleng pagbabago sa venue ng naturang exhibition match.
Sa likod nito, inamin ni Coach Buboy na noong pumutok ang balita sa posibleng laban nina Pacqauio at Benn ay agad niyang pinag-aralan ang istilo ng undefeated American boxer at sinabi nito na ngayon pa lamang ay may mga techniques na sila na gagamitin sa laban.
Matatandaan na ibinunyag noon ni Pacqiauo na babalik siya sa kanyang professional career at harapin ang mga dikalibreng boksidor na gusto siyang makasagupa sa boxing ring.