CEBU CITY – Inilarawan ng isang sports analyst na magiging kakaiba at “interesting” ang faceoff nina Manny “Pacman” Pacquiao at Keith Thurman sa darating na Hulyo 21, oras sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Edmund Navarro, sinabi nito na magiging maganda ang labanan lalo na at mataas ang agwat ng edad ng mga ito kung saan 40-anyos si Pacman habang 30-anyos si Thurman.
Nakita rin ni Navarro na kahit agresibo si Thurman sa loob ng ring, may kahinaan ang American boxer sa diumano’y bakanteng pag-aatake sa kalaban.
Sinabi rin ng sports analyst na kakaiba ang bawat suntok na ibinibigay ng Pinoy ring icon para sa mga boxing fans, kahit na may katandaan na ang edad nito.
Dagdag pa ni Navarro na kung hindi mauuwi sa takbuhan ang July 21 fight, magkakaroon ito ng knockout kung mananatili ang performance ni Thurman sa boxing ring.