Naniniwala si Top Rank Promotions CEO Bob Arum na handa raw si Sen. Manny Pacquiao na makipagtuos kay three-division champion Terence “Bud” Crawford sa isang unification bout ngayong taon.
Ayon kay Arum, nagkausap daw sila ni Pacquiao kamakailan kung saan inihayag nito ang kanyang interes na makasagupa si Crawford.
Noong Abril nang ibunyag ng 88-anyos na promoter na nakipag-ugnayan daw sa kanya ang mga miyembro ng Team Pacquiao kaugnay sa posibilidad ng isang megabuck showdown sa pagitan ng Fighting Senator at ng pound-for-pound king.
Sa ngayon ay naghahanap pa rin si Arum ng potensyal na venue para sa nilulutong laban, labas sa Estados Unidos.
“Manny is ready to do that [Crawford] fight and we’ll try to do that out of the [United States],” wika ni Arum.
Kabilang sa mga pinagpipiliang lugar ni Arum ang Middle East at Macau, at binabalak daw ng promoter na magpataw ng mahal na site fee para makabawi sa lugi sa gate receipts.