Harap-harapang kinantiyawan ni WBA welterweight champion Keith Thurman si Manny Pacquiao sa kanilang face off sa promotional event sa ilalim ng “Premiere Boxing Champions Face Face” ng Fox News.
Inihalintulad ni Thurman si Manny sa isang dinosaur, pero sya naman daw ang mas mapanganib na T-Rex na lalapain lamang si Pacquiao.
Habang pomoporma ng boxing si Thurman gumaya pa ito ng mas mabangis na dinausaur.
Nagyabang din ang American undefeated champion na kapag natikman daw ng fighting senator ang kanyang lakas ay mag-iiba na ang istilo nito.
Bilang sagot naman kay Thurman, nangingiti na lamang ang eight division world champion.
Hindi rin nagpatalo ang WBO champion na si Pacquiao at ipinagmalaki ang dalawang dekada na rin na kanyang professional career kung saan nakaharap na ang pinakamatitinik at mga boxing legends, tulad na lamang nina Oscar dela Hoya, Miguel Cotto, Juan Manuel Marquez at iba pa.
Dahil dito, diretsahang ipinamukha ng Pinoy boxing legend na hindi siya kayang talunin ng 30-anyos na si Thurman.
Kung maaalala una nang inamin ng mga trainer ni Pacquiao na ang pagiging mayabang at pagmamaliit sa kanya ni Thurman ay lalong nagbibigay ng malaking inspirasyon upang maghangad siya na i-knockout ito sa kanilang July 21 showdown sa Las Vegas.