Babawasan na ng Team Pacquiao ang matinding ensayo ni Sen. Manny Pacquiao, eksaktong isang linggo bago ang laban kontra sa WBO welterweight champion na si Yordenis Ugas.
Sa ulat ni Bombo international news correspondent John Melo mula sa Los Angeles, California sinabi nito na binawasan na rin ang sparring session ni Pacman dahil nasa kondisyon na ang katawan ito.
Kinumpirma rin naman ni David Sisson, ang personal assistant ng fighting senator, na sa darating na Lunes tutulak na ang buong Team Pacquiao o Martes naman sa Pilipinas upang magbiyahe na patungo ng Las Vegas.
Sinasabing tulad ng nakagawian ay muling babiyahe “by land” ang pambansang kamao na tatagal ng apat na oras.
Sa unang pagkakataon ang magiging venue ng kanyang laban ay ang mas malaking T-Mobile Arena taliwas sa dating paborito ni Pacman sa kanyang mga laban na MGM Grand.
Nagkataon pa na habang nagre-report ang dalawa sa Bombo Radyo ay nasa likod naman nila si Senator Pacquiao na abala sa pagpirma sa mga boxing gloves sa loob ng kanyang tahanan na dakong alas-nuebe na ng gabi sa Los Angeles.