Seryoso umanong ikinokonsidera ni Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao na bumili ng isang NBA team pagkatapos ng kanyang karera sa boxing.
Sa isang panayam, sinabi ni Pacquiao na matagal na raw niyang pinag-iisipang mag-invest sa isang NBA ball club.
Ayon kay Pacquiao, sapat umano ang kanyang naging karanasan upang sumabak sa business venture.
Si Pacquiao ang nagtatag ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na nagbibigay ng pagkakataon sa ilang mga Pinoy upang ipamalas ang kanilang husay sa sport.
“Actually, I own a league in the Philippines, which is so popular right now in the Philippines, the MPBL, you can Google it, you can search it on the internet,” pagbabahagi pa ni Pacquiao.
Sa tantya ng fighting senator, posibleng abutin pa ng limang taon bago nito tuluyang isabit ang kanyang boxing gloves.
“I feel young, like late 20s,” ani Pacquiao. “I play basketball almost every day.”