-- Advertisements --

Nagbabala ang kampo ng bagong kampeon na si Jeff Horn kay Sen. Manny Pacquiao na ‘wag nang ituloy ang binabalak na rematch kung meron man.

Nagbigay ng payo si Glenn Rushton, ang matagal ng trainer ni Horn, kung maaari raw iwasan na lamang ang rematch at sa halip piliin ang mas madaling kalaban.

Aniya, gustong gusto nila ang rematch pero delikado umano ito para kay Pacman dahil mas lalo pang titindi ang galing ni Horn.

Nagyabang pa ang trainer na naabot na raw ni Manny ang peak ng kanyang career habang si Horn ay lalo pang gagaling matapos magkampeon.

“Lalamunin” lamang daw ng kanyang alaga ang Pinoy ring legend.

Ayon pa kay Rushton, kung gusto raw ni Pacman ng malaking pera, nandiyan naman daw ang dating kampeon mula sa Britanya na si Amir Khan na kayang-kaya at hindi delikadong kalaban.

Samantala, napaulat naman na may sinabi umano ang fighting senator na kung matuloy ang rematch, may diskarte raw ito na agad na itotodo na magpaulan ng hard punches sa first round pa lamang laban sa Australian star.

Ito ay bilang paalala umano sa nangyari sa ninth round noong July 2 kung saan muntik pabagsakin ng pambansang kamao si Horn.