GENERAL SANTOS CITY – Tutulak na ngayong araw papuntang Las Vegas ang Team Pacquiao.
Inamin ni Manny Pacquiao na kasama nito ang kanyang pamilya at buong team at didiretso sila sa hotel ilang araw bago ang laban sa kampeon na si Yordenis Ugas.
Una nang sinabi ni Pacman na hindi naman nahirapan sa biglang pag-adjust sa training matapos umatras si Errol Spence Jr. dahil sa eye injury mahigit isang linggo bago ang kanilang laban.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo GenSan kay Pacquiao, inihayag nito na kaagad itong nag-adjust sa training.
Pero hindi naman mahirap dahil marami na siyang nakalaban na mga orthodox boxer.
Ayon pa sa kanya, hindi niya minamaliit si Ugas dahil isa rin itong world champion.
Matatandaan natalo na si Ugas sa laban nito kay Shawn Porter noong taong 2019.
Hangad ng Pinoy ring icon na gusto niyang makuha muli ang belt na hawak ng Cuban boxer matapos binawi sa kanya ng World Boxing Association matapos ang mahigit sa isang taon na hindi siya lumaban bunsod ng pandemya.
Hiling naman ng fighting senator sa mga kababayan na ipagdasal din ang kanyang laban sa darating na Linggo.