Binalewala lamang ni Sen. Manny Pacquiao ang panibagong banat sa kanya ni Floyd Mayweather Jr. na hindi na raw dapat na habulin pa ng mga top welterweight stars ang Pinoy boxing icon.
Ayon kay Pacquiao, hindi raw problema sa kanya kung makikipag-upakan ito sa mga mas batang boksingero na nagnanais na makatunggali siya sa boxing ring.
Inihayag din ng Fighting Senator na posibleng naiingit lamang daw si Mayweather na ilang taon na ring retirado.
Wala pa rin aniya siyang balak na isabit ang kanyang boxing gloves dahil sa kanyang edad o sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, na pinahinto ang lahat ng mga sporting activities sa buong mundo.
Una rito, sinabi ni Mayweather na dismayado ito sapagkat marami pa ring mga top fighters at world champions gaya nina Errol Spence Jr at Terence Crawford ang nangangarap na makipagtuos kay Pacquiao.
Giit ng retired boxing superstar, sa halip na targetin si Pacquiao, dapat ay sila-sila na lamang daw ang maglaban-laban.
“Stop chasing this old man. If the opportunity presents itself, go out and do what you got to do. Let Manny Pacquiao pick and choose who he wants to fight. With everything he has accomplished, hopefully, he’s made some smart investments,” ani Mayweather.