(Update) Nakatakdang lumipad na mamayang gabi patungong Estados Unidos si Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao kasama ang kanyang buong training team upang doon ipagpatuloy ang kanyang pagsasanay para sa laban nito kay Keith Thurman.
Tutulak ang Team PacÂquiao sa Los Angeles, California kung saan makakasama ng buong tropa si American guru Freddie Roach na nag-aabang na sa Wild Card Gym.
Doon ay sasalang pa sa mas matinding pagsasanay si Pacquiao kung saan inaasahang dadagdagan pa ang kanyang road work at foot work program.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa strength and conditioning coach ni Pacquiao na si Justin Fortune, sinabi nito na plantsado na rin daw ang dekalidad na sparring para sa “Fighting Senator” na sina Roach at boxing matchmaker Sean Gibbons ang mismong nag-organisa.
Doon na rin aniya sa Los Angeles papasukin ni Pacquiao ang krusyal na bahagi ng kanyang ensayo.
“[When] we hit L.A., [the training camp] will be more intense. He will be in shape on time,” wika ni Fortune na naka-schedule na umalis ng Pilipinas ng Biyernes para maunang ilatag ang training workout ni Manny sa Hollywood.
Ayon naman kay head coach Buboy Fernandez sa hiwalay na panayam ng Bombo Radyo, patuloy umano ang pag-improve pa lalo ng kondisyon ni Pacquiao na nasa 75% na raw.
Wika pa ni Fernandez, maganda umano ang itinakbo ng Manila camp ni Pacquiao.
Gaganapin ang harapan nina Pacquiao at Thurman sa Hulyo 21 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.