Isiniwalat ni Top Rank Promotions CEO Bob Arum na nakikipag-usap na raw ito sa Bahrain para sa posibilidad ng pagsasagawa ng malalaking laban doon, kabilang na ang nilulutong unification bout nina Terence Crawford at Pinoy boxing champ Sen. Manny Pacquiao.
Ayon kay Arum, ginagamit niya raw ang kanyang koneksyon sa management company na MTK Global para makapagdaos ng mga malalaking fight cards sa Bahrain.
“We hope we get Crawford and Pacquiao in action this year and through our friends at MTK, we are in serious talks with Bahrain for doing major fights there,” wika ni Arum sa isang panayam. “I would love to do some big, big events in Bahrain.
“Let’s see what happens. Everything is likely, everyone wants to do these big events until it comes time to put up the money! But I think with Bahrain we’ve got a good shot at getting it done.”
Bagama’t mas malaki lamang nang kaunti ang Bahrain sa Singapore, maganda naman ang ekonomiya sa bansa dahil sa petroleum at gas.
Kamakailan nang ipaliwanag ni Arum na imposible ang posibilidad ng tapatang Pacquiao-Crawford kung walang manonood, maliban na lamang kung may magbayad ng malaking halaga para maisagawa ito kahit sa isang closed-door venue.
Una nang inihayag ng promoter na balak nitong magpataw ng mahal na site fee para makabawi sa inaasahang lugi sa gate receipts.
Kapwa naghayag na rin ng interes sina Pacquiao at Crawford tungkol sa laban.
Sinabi ni Crawford, nakikipag-ugnayan na raw ang kanilang kampo kina Pacquiao at Arum para maayos ang ilang mga problema.