Umaasa si Top Rank CEO Bob Arum na matutuloy pa rin ang niluluto nitong unification bout sa pagitan nina Sen. Manny Pacquiao at WBO welterweight champion Terrence Crawford.
Ngunit dahil sa COVID-19 pandemic, sinabi ni Arum na posibleng mangyari na lamang ito sa susunod na taon.
“I don’t think [Pacquiao-Crawford] is going to be possible this year, maybe next year,” wika ni Arum.
Sa ngayon, inilahad ni Arum na nagpapatuloy raw ngayon ang mga diskusyon sa pagitan ng kanyang alagang si Crawford at ng kampo naman ng dating IBF welterweight titlist Kell Brook para sa potensyal na laban sa Nobyembre.
Sa panig naman ni Hall of Fame trainer Freddie Roach, hindi raw lalaban si Pacquiao ngayong taon bunsod ng trabaho nito bilang senador.
Inaasahan naman ni Roach na babalik sa ring si Pacquiao sa 2021, ngunit wala pa raw silang timetable kung kailan lalaban muli ang WBA “super” welterweight champion.
“But if this ever goes away – and I’m not sure it will because it’s getting worse and worse, not better and better – but I think Manny will fight once or twice more before he becomes the president of his country. And then he will retire,” ani Roach sa isang panayam.