Asahan umanong dadalo sa inaasahang engrandeng opening ceremony ng Palarong Pambansa 2019 sa lungsod ng Davao ang ilan sa mga tinitingalang sports icons ng Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Department of Education (DepEd) undersecretary at Palaro 2019 secretary-general Revsee Escobedo, kabilang sa kanilang mga inimbitahan sina Pinoy legend Sen. Manny Pacquiao, at ang tinaguriang “Long Jump Queen” ng bansa na si Elma Muros-Posadas.
Nakatala rin aniya sa kanilang VIP guest list ang ilan pang mga malalaking pangalan sa sports gaya nina Hidilyn Diaz ng weightlifting, Margielyn Didal ng skateboarding, at si Grandmaster Eugene Torre ng chess.
Maliban din sa mga miyembro ng Gabinete at iba pang mga opisyal ng pamahalaan, dadalo rin sa unang pagkakataon ang mga delegado ng bagong tatag na Bangsamoro region.
Magsisilbi namang keynote speaker ng opening rites ng Palaro sa Abril 28 si Pangulong Rodrigo Duterte, na kanya nang ikatlong pagkakataon buhat nang maupo ito sa puwesto.
Noong Palaro 2018 sa Ilocos Sur ay bumandera rin sa pagbubukas ng 61st edition ng multi-sport event ang ilan sa mga tanyag na sports personalities gaya nina Muros-Posadas, Diaz, Paeng Nepomuceno ng bowling, Efren “Bata” Reyes ng billards, at 4-time PBA MVP Ramon Fernandez.