Dibdiban pa rin umano ang gagawing training ni dating Senador Manny Pacquiao kahit six-round exhibition lamang ang magaganap na laban niya sa buwan ng Disyembre doon sa Seoul, South Korea.
Ang 43-anyos na boxing legend ay una nang nag-anunsiyo ng retirement sa boxing noong nakaraang taon matapos na talunin siya ni Yordenis Ugas ng Cuba.
Gayunman muli siyang aakyat ng ring upang harapin ang kilalang South Korean martial artist na si DK Yoo.
Ang banggaan nina Pacquiao at Yoo ay isang charity event kung saan ang malilikom na pera ay para sa mga pamilyang labis na naapektuhan ng giyera sa Ukraine.
Ayon kay Pacquiao, parehas pa rin daw ang magiging focus niya na mistulang championship fight ang paghahandaan.
Aniya, mahalagang todong training pa rin ang kanyang gagawin upang paghandaan ang laban dahil hindi naman martial arts o taekwondo ang mangyayari sa itaas ng ring kundi boxing pa rin.
Ibinahagi rin ni Pacquiao na kahit retired na siya at sumalang sa matinding kampanyahan bilang presidential candidate, nasa maganda pa rin daw ang kanyang pangangatawan at stamina dahil palagi naman daw siyang naglalaro ng basketball.
Nilinaw din naman ni Pacman na hanggang ngayon ay nananatili ang kanyang desisyon na retire na siya pagboboksing at hindi nagbabago ang kanyang isip.