-- Advertisements --
PACQUIAO ERROL SPENCE 1

Binulabog ni Senator Manny Pacquiao nitong Sabado ng madaling araw (afternoon in US) ang mundo ng boxing nang ianunsiyo niya sa pamamagitan ng kanyang social media account ang laban kontra sa undefeated welterweight champion na si Errol Spence.

Ang unified welterweight championships ay gaganapin sa August 21 nitong taon sa Las Vegas.

Ilang oras naman pagkatapos maglabas ni Pacman ng kumpirmasyon, sumunod din naman si Spence.

“Done deal, I’ll see y’all in Vegas for the biggest fight of the year,” ani Spence sa kanyang verified Instagram account.

Ang 31-anyos na American boxer ay hawak ang dalawang korona na IBF at WBC welterweight title.

Sa edad naman na 42-anyos, nasa dalawang taon na rin na hindi pa lumalaban ang ring legend na si Pacman (62-7-2, 39KOs).

Dahil dito, marami rin ang agad na nabahala, marami rin naman ang humanga lalo kay Pacquiao kung bakit pinili pa rin niyang labanan ang mas bata sa kanya ng 11 taon.

Si Spence (27-0, 21KOs) rin ang itinuturing na pinakamatindi ngayon sa naturang dibisyon.

Naging aktibo rin si Spence, na tubong Desoto, Texas, noong nakaraang taon kung saan tinalo niya noong buwan ng Disyembre via unanimous decision ang dati ring kampeon na si Danny Garcia (Dec 5, 2020).

Kung maalala ang huling laban ni Pacman ay noon pang taong 2019 (July) nang talunin niya si Keith Thurman sa bakbakan na ginanap din sa Las Vegas.

Kabilang sa mga bigating boksingero na tinalo rin ni Spence ay ang dating sparring partner ni Pacquiao na si Shawn Porter (Sept. 2019), tinalo rin niya ang dating kampeon na si Mikey Garcia, Lamont Peterson, Chris Algerie, at naagaw niya ang korona ng British boxer na si Kell Brook.