Tinanggihan ng International Olympic Committee (IOC) ang hiling ni Filipino boxing champion Manny Pacquiao na makasali sa 2024 Paris Olympics.
Ayon sa Philippine Olympic Committee, natanggap nila ang sulat mula sa IOC kung saan sinabing masyado ng lagpas sa age regulation na 40 ang dating senador.
Sinabi ni POC president Abraham “Bambol” Tolentino na hindi na pumasa ang 45-anyos na dating senador para ma-qualify sa Olympics.
Nakasaad sa sulat ni IOC Director for National Olympic Committee Relations James Macleod, na kanilang ikinonsulta ang request ng POC sa iba’t-ibang national olympic committees at boxing federation at nanindigan sila ang mahigpit na sistema na ang age limit ay hanggang 40 lamang.
Dagdag ng POC na hindi rin maaaring makalahok si Pacquiao sa Olympic sa pamamagitan ng Universality rule na ibinibigay sa mga national athletes na hindi nakapasok sa torneo sa pamamagitan ng normal qualifiers.
Sa ilalim ng Universality rule na ang mga National Olympic Committee na dapat ay may average ng hindi hihigit ng walong atleta sa individual sport o discipline sa nagdaang dalawang Olympics editions ang 2016 Rio at Tokyo 2020 Olympics.
Sa kasalukuyan ay mayroon ng apat na atleta ang bansa na kuwalipikado sa Paris Olympics na pinangungunahan nina pole vaulter EJ Obiena, boxer Eumir Marcial at gymnast Carlos Yulo at Aleah Finnegan.