Nakahanap na rin si Sen. Manny Pacquiao (59-6-2, 38 KOs) at Top Rank Promotions ng international network partner na siyang eere sa Amerika ng laban kontra kay Jeff Horn (16-0-1, 11 KOs) sa July 2.
Ang laban kasi ni Pacman ay gaganapin sa Suncorp Stadium sa Brisbane, Australia at iere ito ng live ng higanteng sports cable channel sa Amerika na ESPN.
Mula noong taong 2005 ito ang unang laban ni Pacquiao na hindi ibebenta sa pay-per-view (PPV) sa Estados Unidos.
Ang kasunduan ay inanunsiyo sa report ni Dan Rafael ng ESPN.
“It will be the first time that a Pacquiao fight will air live on basic cable and is his first non-pay-per-view fight since he knocked out Hector Velazquez on HBO in September 2005,” ani Rafael sa kanyang sports column.
Ipinagmalaki naman ng Top Rank CEO Bob Arum ang nakuhang deal sa prestihiyosong network dahil ito rin ang nag-eere sa malalaking sports event sa buong mundo katulad na lamang ng Wimbledon, National Football League, NBA playoffs at marami pang iba.
Kaugnay nito, kinuha ng ESPN sa broadcast team nila ang serbisyo ng longtime boxing commentators na sina Joe Tessitore at ang trainer na si Teddy Atlas.
Isinali rin sa team ang dating nakalaban ni Pacman ng tatlong beses na si Timothy Bradley Jr.
Nakatakda ring i-cover ng ESPN ang official weigh-in nina Pacman, 38, at Horn, 29, sa July 1 araw ng Sabado.
Agad namang ipinagmalaki ni Top Rank President Todd duBoef ang nakuhang deal sa ESPN bilang pagkilala kay Pacquiao na isa sa “biggest global sports stars.”
Pinatunayan na raw ito ni Manny sa mga naitalang record attendance at pay-per-view records sa nakalipas na dekada.
Aniya, hindi man isasalang sa PPV ang Pacquiao-Horn, nakuha naman nila ang serbisyo ng ESPN na may “biggest U.S. television audience on the world’s biggest and most prestigious sports network.”
Samantala, sinasabing mahigit na sa 50,000 na mga tickets ang nabenta sa tinaguriang “The Battle of Brisbane†inaasahang magtatala ng record-setting attendance.