-- Advertisements --

Nagpahiwatig ngayon si Sen. Manny Pacquiao na wala pa rin siyang balak magretiro sa pagboboksing.

Umugong ang nasabing haka-haka matapos siyang mag-post sa kanyang official Twitter account at sa kanyang official Facebook account.

Ginawa ni Pacman ang pahayag sa gitna na rin ng panawagan sa iba’t ibang dako ng mundo na panahon na para isabit niya ang kanyang boxing gloves makaraan  ang kontrobersiyal na pagkatalo sa mas batang undefeated Australian boxer na si Jeff Horn.

Ayon sa ilang analysts at mga kritiko, wala na umano ang dating Pacquiao sa nakita nilang laban noong July 2 kung saan naagaw ang kanyang WBO crown ni Horn.

Pero sa latest statement ni Manny sinabi niya ang pagmamahal sa boksing.

Titigil lamang daw siya kung mawala na ang kanyang “passion.”

Magpapatuloy din daw ang kanyang pagboboksing para sa Diyos, pamilya, mga fans at para sa bansa.

Manny Pacquiao
“I love this sport and until the passion is gone, I will continue to fight for God, my family, my fans and my country.”

Sa nasabi ring Twitter post ni Pacman, naglagay siya ng larawan sa naging laban  kay Horn na umaagos ang dugo mula sa noo na siyang na-headbutt ni Horn.

Sa kanya namang Facebook nakalathala ang mga salitang, “This is why I still fight.”

Nakapaloob dito ang video na pamumudmod niya ng pera sa maraming mga nakapila na kanyang mga kababayan sa GenSan.

Sinasabing kuha ito ilang araw matapos ang kanyang pagkatalo sa Brisbane, Australia.

Mahigit na sa limang milyon ang mga views at bumaha ang mga komentaryo.

Kahapon lamang ay naglabas ng statement ang WBO na si Horn daw talaga ang nanalo batay sa kanilang rescoring mula sa limang independent judges.

Ang nasabing bagay ay hindi naman tinanggap ng fighting senator at ng Games and Amusements Board (GAB).

Ang GAB ang unang humirit ng imbestigasyon sa naging resulta ng laban.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay GAB Chairman Abraham Kalil Mitra, sinabi nito na ang gusto nilang makita ay patawan ng sanctions ang referee na siyang puno’t dulo ng lahat na nagpabaya umano sa kanyang trabaho para maging marumi ang laro ni Horn.

“Medyo unfair din na lumabas ngayon na ni-review na talo pa rin tayo. Kasi nga po ‘yong pag-handle ng referee.  Kung sa tingin ko na naging malinis sana ang laban sana sinabihan sina Pacquiao at Horn na walang tulakan mas maganda sana ang laban at sigurado ako na mas maraming points na nakuha si Manny at nanalo,” wika pa ni Mitra sa Bombo Radyo. “Sa ngayon ang pakiramdam namin “oo” inaksiyunan nga nila ang petition for review pero ‘yong sanctions na hinihingi namin para sa referee sana ‘yon ay inaksiyunan din nila.”

Samantala, inaabangan naman sa mga susunod na panahon ang magiging anunsiyo ng Pinoy ring icon kung itutuloy ba ang rematch clause sa kontrata upang magharap sila muli ni Horn na maaaring maganap sa Nobyembre o kaya sa Disyembre.