Ibinahagi ni Sen. Manny Pacquiao ang ilan sa kaniyang mga kaalaman sa boxing sa anak nitong si Jimuel.
Sa ibinahaging video ng maybahay ni Pacquiao na si Jinkee, makikita na personal na tinuturuan ng eight-division champion ang anak kung paano maging world class boxer.
Dito makikita ang ilang pagtuturo ng tips ng fighting senator ng kaniyang pamosong footwork, defense, kumbinasyon ng suntok at ang pag-iwas sa suntok.
Siya pa mismo ang nagbalot ng handwrap ng 18-anyos na panganay na anak.
Magugunitang una rito ay nagpaabot noon nang hindi pagsang-ayon si Pacquiao na sumunod sa kaniyang yapak ang sinuman sa kaniyang mga anak.
Nabanggit naman ni Jinkee sa kanyang Instagram account na emosyunal siya na makita ang father and son sa training.
Sinabi raw kasi ni Manny na sa wakas meron na ring susunod na boksingero sa kanilang pamilya.
Desidido raw kasi ang kanilang anak na maging boksingero.
Kung maaalala rin batay sa kuwento ng buhay ng boxing legend, kaya siya napunta sa naturang career ay dahil sa labis na kahirapan sa buhay.