-- Advertisements --

Bukas umano si WBA welterweight champion Manny Pacquiao sa posibilidad na magsagawa ng isang boxing match sa Dubai sa susunod na taon.

Ayon kay Pacquiao, interesado rin daw ito sa alok na bakbakan ng dati nitong sparring partner na si Amir Khan.

Inihayag ng fighting senator na kakausapin niya raw ang kampo ni Khan ukol sa nasabing paksa.

“I’m planning for next year; trying to make it for next year with a possible opponent. Especially Amir Khan wants to fight me. We will talk again. It would be a good fight,” wika ni Pacquiao.

Matatandaang naudlot ang dapat sana’y pagtutuos ng dalawa sa Gitnang Silangan noong 2017 dahil sa isyu sa pondo.

Nito namang taon nang ihayag ni Khan na naplantsa na raw ang isang kasunduan para sa Pacquiao match sa Nobyembre, na kaagad namang pinabulaanan ng kampo ng Pinoy icon.

Nasa Dubai ngayon si Pacquiao upang paghandaan ang event ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa Hamdan Sports Complex.