-- Advertisements --

Pinangalanan ni welterweight champion Errol Spence Jr. si Sen. Manny Pacquiao bilang isa sa kanyang mga “realistic goals” para sa sunod na tatlo nitong laban sa kanyang pagbabalik sa boxing.

Matatandaang halos isang taong nagpahinga si Spence makaraang masangkot sa isang aksidente noong Oktubre.

Ayon kay Spence, maliban kay Pacquiao, target niya rin ang iba pang mga bigating pangalan sa 147-lbs. division sina Danny Garcia at Terence Crawford.

“My realistic goals are Danny Garcia, Pacquiao, and Terence Crawford, or Pacquiao then Terence Crawford,” wika ni Spence. “I don’t want to leave 147 [pounds] without fighting Terence Crawford.”

Noong nakaraang Setyembre nang maagaw ng IBF title-holder na si Spence ang WBC belt mula kay Shawn Porter sa pamamagitan ng split decision.

Habang si Pacquiao ay nasilat si Keith Thurman noong Hulyo 2019 para maiuwi ang WBA “super” welterweight title.

Isa si Spence sa mga potensyal na kalaban para kay Pacquiao, ngunit sinabi ni Top Rank CEO Bob Arum na interesado umano ang Fighting Senator sa isang megabout laban kay Crawford na may hawak ng WBO belt.

Maliban dito, lumutang din ang mga usap-usapan na posibleng harapin ni Pacquiao si Kazakh knockout artist at middleweight star Gennady Golovkin.